|
||
Ang
bayan ng Pangil ay napatatag noong 1579 sa pagsusumikap ng dalawang paring
Pransiskano na sina Padre Juan Placencia at Diego Oropeza. Matapos maitatag ang bayan ay nagtayo ang dalawang pari ng simbahan upang may mapag-misahan araw-araw. Sapagkat wala pang maitustos sa pagpapagawa ng simbahang matibay, ang ginagamit nila muna ay kawayan at kugon. At noon lamang taong 1611 sila nakapagpatayo ng simbahang yari sa bato at semento. Ito ay nayari sa ilalim ng pangangasiwa ni Padre Lucas Fernandez, isang paring Pransiskano. Pagkatapos ng simbahan ay inilagay nila ang patrono ng bayan, ang Natividad de Nuestra Señora. Ito ay ipinagdiriwang ng Parokya at ng bayan tuwing sasapit ang ika-18 ng Disyembre ay isa ring tanging pagdiriwang ang ginaganap ng mga deboto ng Señora. Ang pagkakalagay ng pangalan ng Pangil ay kinuha sa hugis o kaanyuhan ng bayan. Sinasabing kung tatanawin ang bayan mula sa itaas na bundok ay makikitang ang hugis ng kabayanan ay tulad ng pangil ng baboy-ramo. Mayroon namang salaysay na ang Pangil ay kinuha sa pangalan ng kauna-unahang taong nanirahan sa pook. Siya ay nakilala sa pangalang Pangilagan. Sinasabi rin naman na ang pangalan ng bayan ay kinuha sa pangalan ni Datu Pangil sapagkat ito ay siyang naging unang pinuno ng lugar na iyon. Ayon naman sa matatandang kasulatan na pinatutunayan ng ilang matatanda na nabubuhay pa hanggang ngayon, ang unang nanirahan sa pook ay dalawang magkasintahang buhat sa Lumban. Ang magkasintahan ay ipinagtabuyan ng ama ng babae dahil tutol ito sa lalaki. Sapagkat tapat ang pag-iibigan ng dalawa sila ay lumayo at nagtungo sa pook na tinatawag na Pangilagan. Namuhay sila nang tahimik at pagkaraan ng mga taon ang mag-asawa ay nagkaroon ng mga supling. Marami ring nagsidating na magbubukid sa pook upang magsipangbungkal ng lupa at magtanim ng mga halaman. Ngunit minsan ay natakot ang mag-asawa dahil sa paglaki ng tubig dagat na umabot sa kanilang kinatatayuan. Dahil dito'y naghanap sila ng mataas na lugar at doon sila nagbukas ng kanilang bukirin. Ang bago nilang tirahan ay tinawag na Sulib. Kung alin man ang totoo sa mga salaysay na nasasaad, sinikap ng may-akda na isamang lahat ang natipong ulat upang magkaroon ng liwanag sa isipan ng babasa ang mga magagandang pangyayari bago maitatag ang isang bayan. Ang Pangil simula sa pagkatatag ay pinagsumikapan nang mapaunlad ng mga mamamayan at namumuno sa bayan. Ang mga mamamayan sa Pangil ay nabubuhay nang tahimik. Ang mga nasa bukid ay patuloy sa kanilang pagtatanim ng niyog, palay, saging, kape, lansones, prutas, at gulay na siyang itinutustos sa kanilang buhay at pagpapaaral ng mga anak. Ang iba naman ay namamasukan sa pangangahoy sa gubat at mga paggawaan sa bayan. Ang mga babae ay lumalala ng buslo, banig, at sambalilo na yari sa pandan. Kahit hindi biglaan ang pag-unlad ng bayan, ang mga mamamayan at namumuno sa bayan ay nagsusumikap na mabuti upang magkaroon ng pagbabago tungo sa ikauunlad ng bayan. Ang Pangil ay may nasasaklaw na 2,304 ektaryang lupain na siyang sinasaka ng may 8,009 mamamayan. Ang bayan sa kasalukuyan ay nabibilang sa ikalimang uri ng bayan sa lalawigan ng Laguna. Sa nakaraang taong piskal ay nagkaroon ng P58,302.48 kita ang pamahalaan. Ang salaping nalilikom ang siyang ginagamit ng pamahalaan sa pagpapaayos ng lansangan, pagpapagawa ng gusaling pampaaralan at pampamahalaan, sa pag-angkat ng mga kagamitan sa mga tanggapan at sa pasahod ng mga pinuno at kawani ng pamahalaan. Ang Pangil ay may walong nayong nasasakupan. Ang mga ito ay nakatala sa ibaba: |
||
1.
Balian |
Tg.
balyan 'a kind of tuber plant' (Provincial Library-Laguna) |
|