Sang-ayon
sa matatandang ulat na nakalap ng may akda, ang bayan ng San Pedro ay
natatag at nagkaroon ng pagsasarili noong taong 1725.
Sinasabi sa mga talang tinipon,
na ito ay dating bahagi ng bayan ng Cabuyao. Ang lupang ito ay isang
malawak na asyenda na ipinagkaloob ng Hari ng Espanya kay Don Esteban
Rodriguez de Figueroa bilang gantimpala sa pagtatagumpay nito sa ipinadalang
armada sa Sulu ng panahon ng pananakop.
Ang nasabing asyenda ay pinamahalaan
ni Don Esteban hanggang sa siya ay bawian ng hiram na buhay. Ang naiwan
niyang lupain ay pinangasiwaan ng mga paring Heswita.
Sa isa ring salaysay ay sinasabing
ang bayan ng San Pedro ay napatatag bago pa dumating ang mga Kastila.
Noong panahong iyon ang pangalan ng bayan ay San Pedro Tunasan. Pagkalipas
ng mga taon ang Tunasan ay napahiwalay at nasakop ng Lalawigan ng Laguna.
Sinasabing karamihan sa mga tao
sa bayang ito ay mayayaman at magsasabong. Lahat halos ng mga bahay
dito ay may mga tinaling manok at hindi nawawala sa sabungan tuwing
Linggo at mga araw ng pintakasi.
Minsan ay nagkaroon ng karamdaman
si Don Pedro kaya't hindi siya nakapunta sa sabungan nang dumating ang
araw ng Linggo. Hinanap siya ng mga Kastila, itinanong siya sa mga taong
nasasa loob ng sabungan, ngunit walang makapagsabi kung saan naroroon
ang hinahanap.
Ang mga Kastila nang panahong iyon
ay nagpupumilit na matuto ng wikang Tagalog, ngunit palibhasa'y hindi
hirati ang kanilang dila sa pagbigkas ng ating wika, karamihan sa kanilang
bigkas na salita ay hindi wasto. Marami sa mga pangyayari sa pagkakaroon
ng mga pangalan ng nayon at bayan o maging bagay man, hindi lamang sa
lalawigan ng Laguna kundi gayon din sa buong kapuluan, ang bunga ng
hindi wastong pagbigkas at di pagkakaintindihan ng mga katutubo at ng
mga dayuhan.
Sa pangyayaring ito ay maling bigkas
ang ginagamit sa pagtatanong. Sa halip na ang tanong ay "saan naroroon
si Pedro?", ang nasambit ng mga Kastila ay "San Pedro",
na namalaging gayon hanggang sa ito'y maging bukang bibig na lamang
at tuluyang maging pangalan ng pook na kanilang kinaroroonan. Alalaong
baga'y, ang maling salita at pangalan na binigkas at iniukma ng mga
dayuhan, na pinilit nating ituwid ang baybay ay bigkas ay bunga ng mga
gawi ng dila ng mga manankop.
Ang bayan ng San Pedro sa simula
ay kawili-wili at nakaakit sa mga taong dumarayo. Ang bayan ay nakatayo
sa tabi ng lawa. Ang lupa sa mga bukirin ay mataba at nababagay sa mga
halaman.
Ang pangunahing tanim ng magbubukid
ay palay at ang mga kataasan ay tinataniman nila ng gulay at mga halaman
na madaling pakinabangan. Ang mga nanininrahan sa baybay ilog at bayabay
dagat ay masisipag na magingisda. Sila ay nag-aalaga rin ng pato at
itik na siya nilang pinagkukunan ng itlog na ginagawang balot at penoy.
Sila ay mahuhusay sa pagluluto ng penoy at balot. Sa katunayan, dinarayo
ito ng mga taga-karatig nayon upang bumili lamang ng itlog na penoy
at balot.
Masisipag din ang mga taga-San Pedro.
Sa pagtatanim ng puno ng sampaguita, sila'y kumikita ng sapat na salapi.
Ang mga kuwintas na sampaguita na ipinagbibili sa kabayanan at maging
sa lansangan ng Maynila ay karaniwang nagbubuhat sa San Pedro.
Ang mamamayan sa San Pedro ay masasabi
ring may magandang ugaling minana sa kanilang mga ninuno. Sa pagtanggap
ng mga kasamahan at bisita ay ipinagkakapuri ng sino mang nakarating
dito. Malaki ang pag-ibig at paggalang ng mga tao rito, sa Diyos. Kahi
silay hindi natitigil sa kanianag gawain sa bukid at sa sariling tahanan,
binibgyan din nila ng puwang ang pagsimba at pakikinig ng misa kung
araw ng linggo at araw ng mga pangilin.
Hindi pa rin naaalis sa kanila
ang mga pamahiin na minana pa sa mga yumaong ninuno. Maging sa pagtatanim
ng palay o ano mang uri ng halaman, sa pagpapabinyag at pagpapakasal
ng kanilang mga anak ay bibigang pansin ang mga pamahiin ng sa gayon
ay mag-ani ng sagana o dili kaya'y maging matalino ang kanilang mga
bunso at maging manlad sa pamumuhay ang mga kinasal.
Ang
bayan ng San Pedro ay isa sa mga bayan sa lalawigan ng Laguna na nahahanay
sa ikaapat na uri ng bayan. Sa nakaraang Taong Piskal, 1969-1970, ang
pamahalaan ay nakalikom ng kitang may P224,652.81. Ito ang siyang ginagamit
sa pagpapagawa ng mga lansangan, pagpapatayo ng bahay paaralan at paglalagay
ng mga padaluyang tubig upang ang mga ito mailigtas sa mga sakit na
nanggagaling sa tubig.
Ang San Pedro ay sumasaklaw sa 2,265
ekytaryang lupain na pinaghati-hati sa pook na kinatatayuan ng bayan
at sa anim na nayon. Ang lupaing ito ang siyang pinaninirahan at pinagkakabuhayan
ng mga 32,913 mamamayan.
Ang
anim na nayon ng San Pedro ay ang sumusunod: