Local News

TULONG-PINANSYAL PARA SA MGA ARB’s NA NAHAHARAP SA KASO

NEWS RELEASE
OFFICE OF GOV. TERESITA S. LAZARO

Provincial Capitol
Sta. Cruz, Laguna
July 2005
   

     Isa sa mga may adhikaing makapag-ambag ng kakayanang makatulong sa pagpapalaganap ng Komprehensibong Programa ng Repormang Pansakahan o CARP sa pamamagitan ng pagbibigay ng hustisyang pang-agraryo ang Agrarian Justice Foundation , Inc. (AJFI) na pinamumunuan ng dating Senador Wigberto “Bobby” Tañada. Ang AJFI ay sumibol sa pamamagitan ng Agrarian Justice Fund Project (AJF Project) ng Kagawaran ng Lupang Pansakahan (DLR) para sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at mga empleyado ng DLR na may kinakaharap na kaso.

     Ang pinakamalaking halaga na maaaring maitulong ng isang indibidwal na ARBs ay Php 25,000.00 at Php 100,000.00 kung ang may kaso ay grupo ng mga ARBs na walang kakayanang magbayad ng piyansa, abogado, mga bayaring pang-korte at transportasyon at iba pang gastusing may kinalaman sa kasong agraryong kinakaharap.

     Upang maging kwalipikado ang isang aplikante, nararapat gumawa ng sulat-kahilingan sa pamamagitan ng Municipal Agrarian Reform Officer (MARO) o Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) na ang nilalaman ay ang mga sumusunod;
a. Pangalan, edad, lugar tirahan, katayuang sibil, hanap-buhay at buwanang kita
b. Maikling ulat hinggil sa kinakaharap na kaso
c. Halagang kinakailangan at layunin ng paggagamitan

     Ito ay maaaring isulat sa wikang Ingles o Tagalog ng sulat-kamay subalit mauunawaan ng tagapagbasa at nakasaad sa sumusunod na sulat-pahatiran.
               Executive Trustee
               Agrarian Reform Foundation Inc.
               AJFI Ground Floor, PRRM Building
               56 Mother Ignacia Ave. cor Dr. Lescano St.
               Barangay Paligsahan 1103 Quezon City

     Ang aplikasyon ay kinakailangan ring iindorso ng PARO kasama ng pagpapatunay na ang impormasyong nabanggit ay tunay at lehitimo. Ang aplikasyon ay dadaan sa masusing pag-aaral at dapat makapasa sa pagtatasa ng AJP Executive Trustee. Ang halagang hinihiling ay hindi tataas sa Php 10,000 para sa aplikanteng indibidwal at hindi tataas sa Php 25,000 para sa grupong aplikante.
Kung ang halagang hinihiling ng aplikanteng indibidwal ay tataas sa Php 10,000 at hihigit sa Php 25,000 para sa grupong aplikante, iiindorso ito ng AJP Executive Trustee sa Board of Trustees (BOT) para aprubahan.

     Ang tulong pinansyal ay matatanggap mula isa hanggang dalawang linggo pagkatanggap ng aplikasyon na nakatseke at nakapangalan sa aplikante subalit kung may kakaharaping problema, maaari itong ipangalan sa PARO na siyang namang bahalang magbigay dito. Kung may di-maiiwasang problema maaari itong ibigay ng “cash”.

     Para sa iba pang detalye makipag-ugnayan sa DLR, Panlalawigang Tanggapan ng Pinuno ng Lupang Pansakahan, Brgy. Maitim, Bay, Laguna sa telepono bilang 536-19-31 at 536-57-80. (PIO-DLR Laguna)

 
         
  Back  
About Us  |  Site Map  |  Contact Us