Local News

         LAGUNENSE NAGBIGAY-PURI SA KAARAWAN NI GOB. NINGNING LAZARO

 

NEWS RELEASE
OFFICE OF GOV. TERESITA S. LAZARO

Provincial Capitol
Sta. Cruz, Laguna

November 18,2009

   

       Nagbigay ng papuri ang mga Lagunense kay Gob. Teresita "Ningning" S. Lazaro sa pagdiriwang nito ng kanyang ika-67 taong kaarawan nitong nakalipas na Nobyembre 18, 2009 na ginanap sa Sentrong Pangkultura ng Laguna sa kabiserang-bayan ng Sta. Cruz. Ito ang huling taon kung saan nagdiwang ng kaarawan si Gob. Lazaro bilang Punong-Lalawigan kung kaya't lubos ang pasasalamat ng kanyang mga kalalawigan sa mga naitulong at naisagawa nito para sa Laguna.

       Isang simpleng selebrasyon ang inialay sa Punong-Lalawigan kung saan nakapiling niya ang kanyang mga kasamahan sa Pamahalaang Panlalawigan kasama na ang kanyang mga mahal sa buhay at ilang panauhin.

       Bilang kauna-unahang babaeng gobernador, naipamalas ni Gob. Lazaro ang katangian ng mabuting ina na palaging isinasaisip ang kapakanan ng kanyang mga anak. Mga anak niyang itunuring ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan pati na ang iba pa niyang mga kababayan kung kaya't labis-labis ang pagpapahalaga ng mga Lagunense sa kanya.

       Sa katunayan, naging mabilis ang paglago at pag-unlad ng lalawigan kung saan napakaraming oportunidad ang dumating. Kabilang na dito ang pagdami ng gusali, kagamitan, at pasilidad na pampaaralan na pamanang maituturing ng bagong henerasyon. Bukod dito tumaas rin ang kita ng lalawigan dulot ng pagpasok ng mga mamumuhunan at mga turista na dumagsa sa panunungkulan ni Gob. Lazaro. Sa kanya rin termino umani ng napakaraming parangal ang lalawigan kung kaya't nakilala ang Laguna hindi lamang bilang lalawigan ng Pambansang Bayaning si Dr. Jose P. Rizal, kundi pati bilang lalawigang nangunguna sa larangan ng edukasyon, isports, turismo, negosyo, pamumuhunan, at marami pang iba. Akmang-akma ito sa kasabihang "Laguna, Laging Una!"

       Bagama't marami ring pagsubok ang dumating sa lalawigan lalong higit nitong mga nakalipas na mga kalamidad, hindi nawalan ng pag-asa ang kanyang mga kalalawigan sapagkat pinagbuklod sila ng kanilang Ina na agad tumulong at umagapay sa mga anak na nangangailangan. Ito ang nagpatibay sa ugnayan ng mga mamamayan at namumuno na ngayon ay kinakikitaan ng maganda, maayos at wagas na pagsasamahan. Kahit patapos na ang kanyang panunungkulan, patuloy ang pagsusumikap ni Gob. Lazaro na maiparating pa ang serbisyo ng Pamahalaang Panlalawigan sa iba pa nitong mga kalalawigan, lalong higit ang mga nasalanta. Hindi matitinag ng mga hamon ang Ina ng Lalawigan na patuloy na gampanan ang kanyang sinumpaan na ihatid ang wagas at tapat na paglilingkod para sa sambayanang Lagunense. Kagaya nga ng malimit niyang sambitin, "Kayang-Kaya 'Pag Sama-Sama!"

(PIO-Laguna)

         
  Back  
About Us  |  Site Map  |  Contact Us