| Pinabulaanan
ng mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pamumuno
ni Gob. Teresita “Ningning” S. Lazaro ang napabalitang
outbreak o pagkalat ng sakit na meningococcemia na napaulat
sa lalawigan. Kumalat ang espekulasyon dahil sa biglaang pagkamatay
diumano ng isang batang 2 taon at 8 buwan sa Panlalawigang
Pagamutan sa Sta. Cruz sa sakit na meningococcemia. Sa pangyayaring
ito ay agad na naalarma ang lahat lalo na ang mga taga-Brgy.
Banca-Banca sa Victoria na kung saan nagmula ang pasyente.
Sa
pahayag ni Dra. Corazon Mendoza, Chief of Clinic ng Pediatrician
Division ng nasabing pagamutan na tumingin sa pasyenteng si
F.N. (initials ng bata), ipinasok ang bata noong Disyembre
31, 2005 sa ganap na ika-2 ng hapon. Bukod sa lagnat at sa
kahirapang huminga kasama na ang kombulsyon, kinakitaan din
ang bata ng mga patse-patse sa katawan o “rashes”.
Sa pagtanggap nila kay F.N ay agad nila itong binigyan ng
karampatang lunas (aggressive treatment), at makalipas ang
2 oras at 35 minuto ay namatay ang bata.
Dahil
sa pangyayari ay agad na nagsagawa ang Provincial Health Office,
na nakabase sa Pagamutang Panlalawigan sa Laguna ng imbestigasyon
at case visitation sa Brgy. Banca-Banca sa Victoria katulong
ang mga opisyal at Rural Health Unit (RHU) Officers ng nasabing
bayan. At upang maagapan ang sakit ay namahagi sila ng mga
antibiotics sa mga residenteng nakatira malapit sa tinuluyan
ng pamilya ng bata.
Sa
pagsusuri ni Dra. Mendoza, kinumpirmang niyang negatibo sa
meningococcemia ang ikinamatay ng bata. Sa diagnosis lumabas
na DIC o Disseminated Intravascular Coogolopathy, Septicemia,
Upper Respiratory Track Infection ang ikinamatay ni F.N.
Ayon
din sa impormasyon, hindi tubong-Victoria ang pamilya ni F.N.
Taga- Bacoor, Cavite ito at umuwi lamang sa Victoria ang mag-anak
upang dumalo sa reunion ng isang kamag-anak. Dumating din
ang bata na may lagnat na at ubo. #
(PIO-Laguna)
|