Local News

         ANI NG LAGUNA FESTIVAL O ANILAG;
GRAND CHAMPION SA BEST TOURISM EVENT 2007

NEWS RELEASE
OFFICE OF GOV. TERESITA S. LAZARO

Provincial Capitol
Sta. Cruz, Laguna

October 2007

   

       Muli na namang nanguna ang lalawigan ng Laguna sa pamumuno ni Gob. Teresita S. Lazaro nang itanghal bilang Grand Champion ang AniLag o Ani ng Laguna Festival ng Association of Tourism Officers of the Philippines, Inc. sa nakalipas na Search for the Best Tourism Event 2007 na ginanap noong nakalipas na Setyembre 27, 2007 sa Pili, Camarines Sur.

       Kakaiba ang AniLag Festival sapagkat tinaguriang itong “Mother of all Festivals” ng buong lalawigan. Isang linggong pagdiriwang ito na sumaklaw sa Foundation Day ng Laguna tuwing ika-10 ng Marso. Isa ito sa mga naunang provincial festival sa buong bansa kung saan ang bawat bayan at lungsod ay naipakikilala at naitatampok sa isang engrandeng selebrasyon. Naipapakita rin dito ang iba't ibang kultura, anyo ng pamumuhay at produkto ng mga bayan sa Laguna. Ito rin ang ipinagkaiba ng AniLag sa mga festival na ginaganap sa iba't ibang sulok ng bansa.

      Sa pamamagitan din ng AniLag naipapakita ang yaman ng Laguna kabilang na ang mga ipinagmamalaking cottage industries, ang kahusayan ng mga tao, at mga tanawin dito. Fiesta itong maituturing lalo na Kapitolyong Panlalawigan sa Sta. Cruz sapagkat maraming exhibits at bilihin ang makikita, kabilang na ang lahat ng uri ng pagkain at kakanin, at iba pang mga produkto mula sa iba’t-ibang lugar sa lalawigan. Para na ring napuntahan ang lahat ng bayan at lungsod sa buong Laguna sapagkat sa bawat booth ay mapapansin ang mga katangian ng bawat bayan at lungsod. Kabilang sa mga pagdiriwang na itinatampok ay ang Burda Festival ng Lumban, Pandan Festival ng Luisiana, Ana Kalang Festival ng Nagcarlan, Pinya Festival ng Calauan, Sampaguita Festival ng San Pedro, Tsinelas Festival ng Liliw, Coconut Festival ng San Pablo, Bañamos Festival ng Los Baños, Itik Festival ng Victoria, Bangkero Festival ng Pagsanjan, Kalatong Festival ng Rizal, Sambalilo Festival ng Cavinti, at marami pang iba.

      Inilahad naman ni Gob. Lazaro ang tagumpay ng AniLag sa aktibong pakikiisa, pakikilahok at pakikipagtulungan ng iba’t-ibang tanggapan, mga lungsod at munisipalidad, at mga iba’t-ibang ahensya kabilang na ang mga negosyante at pribadong sektor sa lalawigan. Ayon naman kay Gob. Lazaro, "Ang ANILAG ay ang kulay at buhay ng Laguna sapagkat itinataguyod nito ang kultura at turismo ng ating lalawigan, pati na ang mga lungsod at maliliit na bayan. Hindi lamang turismo ang naitataguyod nito kundi pati ang kalakalan at industriya na nag-angat sa atin bilang isa sa pinakamaunlad na lalawigan sa buong bansa. Maraming kataga ang Laguna tulad ng Business Haven, Leisure Paradise, Resort Capital, Silicon Valley of the Laguna, at Automobile Capital o Little Detroit ng bansa. Andito rin ang iba’t-ibang industrial parks kung kaya’t napakapalad nating mga Lagunense.” (PIO-Laguna)



         
  Back  
About Us  |  Site Map  |  Contact Us